Thursday, November 25, 2010

Gambas Al Ajilllo



Kahit na nung ako'y bata palang, sinanay na ako ng aking tiyahin na kumain ng mga pagkain na di pang-karaniwan para sa aking edad. Kung anu-ano ang mga pinatikim niya sa akin na pagkain, orihinal na lutong Pinoy man ito o mga kakaibang luto ng ibang bansa. Marami akong natikman, nagustuhan, di nagustuhan at mga naging paborito. Ang naging pinaka paborito ko na sa lahat ng aking natikman ay ang napakasarap na Gambas Al Ajillo ng Dulcinea.

Noong ako ay nasa Grade 5 pa lamang, dinala na ako ng aking tita sa Dulcinea nang isa sa mga punta namin sa SM Manila. Iba ang inorder ko dito, at nagustuhan ko din naman. Ngunit, nang makita ko ang inilagay na pagkain sa harap ng tita ko, ay parang nakalimutan ko na ang sarili kong pagkain.  Amoy pa lang ay nakakakuha na ng atensyon, at ang itsura nito ay tunay na nakakalaway. Humingi ako sa aking tita upang tikman ito, at doon na nagsimula ang aking pagmamahal para sa Gambas.

Ang Gambas Al Ajillo ay isa sa mga pinakasikat na putahe sa Spain dahil talagang siksik ito ng lasa. Ang hipon ay ibinababad at niluluto sa timpla ng mantikilya, bawang, oregano at olive oil. Madali lang siya lutuin, at pagkatapos ay katakam-takam kainin. Unang kagat palang ay mapupuno na ang iyong dila sa lasa ng hipon.

 Makakasigurado kayo na kapag ako ay kasama niyo umalis at tinanong niyo ako kung ano ang gusto kong kainin, agad agad kong sasabihin na tayo'y dumiretso sa Dulcinea, upang matikman muli ang malasap na Gambas Al Ajillo. Tikman niyo, di kayo magsisisi. :)

SALAMAT SA INYONG PAGBASA! :>